DAGUPAN CITY- Nakikiisa ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa paggunita ng “Rabies Awareness Month” ngayong buwan ng Marso, alinsunod sa Executive Order No. 84, s. 1999. Kasama sa mga aktibidad ang pagtutulungan ng mga tanggapan ng Municipal Health Office (MHO) at Municipal Agriculture Office (MAO) upang mapalaganap ang kaalaman hinggil sa rabies at ang mga hakbang upang maiwasan ito.
Ipinagbigay-alam ng MAO ang mga libreng serbisyo sa pagbabakuna ng mga alagang hayop bilang bahagi ng hakbang upang gawing “Rabies Free” ang bayan ng Mangaldan.
Ang mga residente ay hinihikayat na samantalahin ang mga serbisyong ito upang maprotektahan ang kanilang mga alaga at maiwasan ang pagkakaroon ng rabies sa kanilang komunidad.
Nagbigay din ng mahigpit na paalala ang MHO na agad i-report ang anumang kaso ng kagat ng aso o pusa upang maagapan ang anumang posibleng epekto ng rabies. Ipinagbigay-alam nila ang kahalagahan ng maagap na pagtugon upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito.
Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang lokal ang pagpapaigting ng ordinansang “Aso Mo, Itali Mo” na siyang ipinatutupad ng mga punong barangay upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa mula sa mga panganib ng mga asong kalye.