Dagupan City – ‎Isinagawa na kahapon ng LGU Mangaldan ang beripikasyon at sertipikasyon ng mga opisyal na balota para sa 2025 National at Local Elections.

Ginanap ito sa lobby ng Municipal Hall, bilang paghahanda sa distribusyon ng mga election supplies sa mga paaralan ng Mangaldan Districts I at II sa darating na Mayo 11.

Pinangunahan ng Municipal Treasury Office at COMELEC Mangaldan ang aktibidad, katuwang ang Budget Office, HRMO, at MDRRMO.

Kabilang sa mga sinuri ay mga balota, sobre, indelible ink, ballpen, at iba pang gamit para sa 462 presinto sa 25 voting centers.

Pagkatapos ng botohan at tamang sealing, agad itong kukunin muli ayon sa protocol. Alinsunod ito sa Section 44 ng Omnibus Election Code, na inamyendahan ng RA 9369.

Ang eleksyon ay gaganapin sa Mayo 12. Magsisimula ang botohan ng alas-5 ng umaga para sa mga priority voters at alas-7 para sa publiko.