Dagupan City – Pinagtibay ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang mga working committee para sa nakatakdang 2026 Town Fiesta at Pindang Festival sa ginanap na pulong sa Presidencia.
Dumalo ang mga kinatawan ng lokal at nasyunal na tanggapan upang plantsahin ang preparasyon bago ang pormal na pagbubukas ng selebrasyon ngayong Miyerkules.
Inatasan ang mga itinalagang focal person ng bawat aktibidad na magsagawa ng mga hiwalay na pagpupulong at makipag-ugnayan sa kaukulang tanggapan, organisasyong sibiko, at mga ahensiyang nagpapatupad ng seguridad.
Layunin ng koordinasyon na maayos na maipatupad ang mga nakapaloob sa programa sa loob ng dalawang linggong kapistahan.
Magbubukas ang selebrasyon sa Macario Ydia Development Center sa pamamagitan ng isang pampublikong medical mission at espesyal na klinika para sa diabetes at hypertension na pangungunahan ng Mangaldan International Organization.
Bahagi ito ng mga unang aktibidad na itinakda sa opisyal na kalendaryo ng pista.
Ang Pindang Festival ay taunang isinasagawa bilang bahagi ng town fiesta at nakatuon sa lokal na produktong pindang o cured carabeef tapa, na kinikilalang One Town, One Product ng bayan.
Nakatakda ang serye ng mga gawaing pangkultura at iba pang aktibidad hanggang sa pagtatapos ng selebrasyon.










