Dagupan City – Nagsagawa ng monitoring visit ang Provincial Population Cooperative and Livelihood Development Office (PPCLDO), katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, ngayong Abril 10 upang suriin ang implementasyon at tagumpay ng Green Canopy Program sa mga barangay ng David, Palua, at Bantayan.
Layunin ng nasabing aktibidad na masuri ang kondisyon at survival rate ng mga itinanim na punong namumunga sa mga piling lugar. Bahagi rin ito ng patuloy na pagtutok sa mga proyektong pangkalikasan ng pamahalaan upang masiguro ang tamang pangangalaga sa mga punla at ang partisipasyon ng mga komunidad.
Sa Barangay David, natuklasang 20 na lamang sa mga punong itinanim ang nananatiling buhay matapos ang serye ng mga bagyong tumama sa lugar noong nakaraang taon. Itinuturing itong hamon sa pagpapanatili ng mga proyektong berde sa gitna ng pabago-bagong lagay ng panahon.
Samantala, positibo naman ang resulta ng monitoring sa Barangay Palua at Barangay Bantayan kung saan makikita ang maayos na paglaki ng mga puno. Pinuri ang aktibong partisipasyon ng mga barangay sa pangangalaga ng mga itinanim, na nagpapatunay ng matagumpay na kooperasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga komunidad.
Ang Green Canopy Program ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng lalawigan na layong makapagtanim ng isang milyong puno sa buong Pangasinan bilang hakbang sa pagpapalakas ng climate resilience, biodiversity, at pangkabuhayang kaunlaran.