Dagupan City – ‎Aprubado na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council at Municipal Development Council ng LGU Mangaldan ang paggamit ng hindi nagastos na pondo mula sa 30 porsiyentong Quick Response Fund ng DRRM Fund para sa mga taong 2020 hanggang 2025, kasunod ng isinagawang joint meeting noong Enero 20 na pinangunahan ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno.

‎Ayon sa ipinalabas na plano, ang malaking bahagi ng pondo ay ilalaan sa konstruksyon ng tulay sa Barangay Macayug, isang lugar na madalas maapektuhan ng pagbaha.

May nakalaan ding pondo para sa pag-aspalto at rehabilitasyon ng mga kalsada sa Barangay Poblacion at Barangay Amansabina bilang bahagi ng disaster mitigation at infrastructure improvement ng bayan.

‎Gagamitin naman ang natitirang pondo para sa pag-iimbak ng relief goods, pagbibigay ng housing materials sa mga pamilyang may nasirang bahay, at pagbili ng garbage truck upang palakasin ang kakayahan ng LGU sa pagtugon sa mga sakuna.

‎Batay sa umiiral na patakaran, pinapayagan ang paggamit ng QRF na hindi nagamit sa loob ng limang taon bilang special trust fund, basta’t nananatiling nakatuon sa pagpapalakas ng disaster preparedness at resiliency ng komunidad.