Dagupan City – Puspusan na ang paghahandang ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Manaoag at ng simbahan para sa pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo o Centennial Canonical Coronation ng Our Lady of the Holy Rosary sa susunod na taon partikular sa buwan ng Abril.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na isa itong malaking kaganapan para sa bayan at sa mga deboto, kaya inaasahang dadagsa ang libo-libong mga tao.
Aniya na mayroon nang plano kasama ang Minor Basilica ng Our Lady of the Holy Rosary sa bayan kabilang ang paglalagay ng altar sa labas ng simbahan para masaksihan ang pagkorona sa Mahal na Birhen, na tinatawag ding Apo Baket at pagsasaayos sa mga bakod ng simbahan.
Naalala naman ni Mayor Rosario noong ipinagdiwang ang ika-50 taong anibersaryo kung saan bata pa ito at nasaksihan ang pagdalo ng napakaraming tao.
Binanggit pa niya na si Doña Josepa Edralin Marcos ang lola ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang nagkorona sa Mahal na Birhen kaya binabalak naman nilang imbitahan ang Pangulo para siya ang magkokorona dito.
Pinaghahandaan din ang mga parking area, alternatibong ruta, pagpapaluwag ng mga kalsada, mga alituntunin para sa mga bisita, at mga seguridad ng publiko sa kaganapan.
Bukod dito, inaasahan namang matatapos at mapapakinabangan na ang ilang mga proyektong ginagawa sa bayan bago ang nasabing kaganapan gaya ng pasalubong center na ipinapatayo sa harapan ng simbahan, Manaoag Public Market at iba pa.
Samantala, Layunin ng maagang paghahanda na maging ligtas, maayos, organisado, at di malilimutan ang selebrasyon sa Manaoag na kilala bilang “Blessing Capital of the Philippines.”