Sinimulan ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang pagpaplano para sa inaasahang pagtatayo ng sariling Animal Bite Center sa Super Health Center sa Barangay Cabanbanan.
Layunin nitong mapabilis at mapahusay ang serbisyo para sa mga residente na biktima ng animal bites.
Bilang paghahanda, nagsagawa ng benchmarking visit ang Rural Health Unit ng Manaoag, sa pangunguna ng kanilang pinuno, kasama ang Municipal Engineering Office.
Ang kanilang destinasyon ay ang Animal Bite Center ng Rural Health Unit ng Sto. Tomas, Pangasinan.
Layunin ng pagbisitang ito na makuha ang mga epektibong pamamaraan at “best practices” sa pamamahala ng isang Animal Bite Center.
Malugod silang tinanggap ng mga opisyal at eksperto doon, na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan.
Sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga matagumpay na estratehiya, inaasahang mas mapapabilis, maayos, at mapapahusay ang serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng Manaoag na nangangailangan ng agarang atensyong medikal dulot ng animal bites.
Patunay ito ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Manaoagueño.










