Nagbuo ng Task Force para sa price monitoring sa ilang gasoline station ang lokal na pamahalaan ng Manaoag sa gitna ng tumitinding pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil sa tensyon sa gitnang silangan.
Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, layunin ng grupo na iparamdam sa publiko ang kanilang seryosong pagtutok sa isyu ng pagtaas ng presyo ng langis upang maiwasan ang pananamantala ng ilang negosyante.
Ipinaliwanag ng alkalde na kamakailan lang ay naganap ang kanilang unang pagpupulong kasama ang mga operator ng labin-limang gas stations na aktibong nagpapatakbo sa bayan.
Bukod sa pagmomonitor, naglabas rin sila ng mga babala, lalo na’t may koordinasyon sila sa mga awtoridad tulad sa Pangasinan Police Provincial Office at Department of Energy (DOE) upang masigurong nasusunod ang mga regulasyon.
Aniya, ayon sa DOE, inaasahan ang regular na pagbababa ng mga listahan ng presyo ng petrolyo tuwing tatlong araw o linggo bilang bahagi ng mahigpit na pagmo-monitor.
Tinanggap naman ito ng mga operator sa Manaoag, ngunit kinilala rin ni Mayor Rosario ang hamon na kinahaharap ng mga maliliit na negosyo sa pag-angkat ng kanilang supply kumpara sa mga malalaking kumpanya.
Bilang karagdagan sa pagtutok ng task force, nag-utos si Mayor Rosario sa mga barangay captain na maging aktibo sa pagmamanman sa kanilang mga lugar.
Iniutos niya ang mahigpit na pagbawal sa paggamit ng mga delikadong lalagyan tulad ng bote ng softdrinks bilang imbakan ng petrolyo upang maiwasan ang mga aksidente.
Kasama rin sa kanilang mga patakaran ang regular na pagsusuri sa mga istasyon ng gasolina upang matiyak na walang pagtatago ng mga imbentaryo na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyo lalo pa’t may isang gasolinahan na pansamantalang nagsara sa kanilang bayan dahil sa kawalan umano ng suplay.
Saad pa nito na nagbibigay prioridad ang kanilang patakaran sa mga magsasaka, kung saan nilalapatan sila ng identification cards upang makabili ng petrolyo nang hindi na dadalhin ang mga sasakyang pansaka at maiiwasan ang pang-aabuso.
Pinapahayag din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng publiko, pamahalaan, at mga kapulisan upang mapanatili ang patas na presyo.
Sa huli, nanawagan si Mayor Rosario sa lahat ng sektor na makiisa at mag-cooperate sa mga inilatag nilang hakbang upang mapigilan ang pag-abuso sa sitwasyong krisis sa langis.










