Dagupan City – Suportado ng pamahalaang bayan ng Lingayen ang isinasagawang redevelopment project sa Capitol Complex ng lalawigan.
Ayon kay Lingayen Councilor Jonathan Ramos, nakatuon ang proyekto sa pagpapaganda ng kapitolyo at pagpapalakas ng turismo sa bayan, kaya’t buong suporta ang kanilang ipinapahayag sa inisyatiba ng gobernador.
Ipinaliwanag ni Ramos na ang mga punong inalis sa lugar ay hindi na angkop sa disenyo at layunin ng Capitol Complex. Aniya, pinalitan naman ang mga ito ng mga punong mas babagay at mas angkop sa kabuuang redevelopment ng lugar.
Hiniling din ng konsehal sa publiko na hintayin munang matapos ang proyekto bago ito husgahan upang makita ang magiging kabuuang resulta nito.
Binigyang-diin pa ni Ramos na tulad ng bahaging nasa likuran ng Capitol Complex na una ring nakatanggap ng batikos mula sa ilang sektor, kalaunan ay naging isa na rin itong dinarayo at pinapasyalang lugar ng mga residente at turista.










