Dagupan City – Dinoble at pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang puwersa ng mga awtoridad at volunteers upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng bayan ngayong Semana Santa, lalo’t inaasahang dagsain ng mga turista at deboto ang lugar.

Ayon kay PLt. Col. Amor Mio Somine, hepe ng Lingayen PNP, naka-full alert ang kanilang hanay katuwang ang PDRRMO, LDRRMO, POSO, rescue teams, at ilang volunteer groups.

Ang mga ito ay aktibong nakatutok sa seguridad ng mga bisita at sa maayos na daloy ng trapiko, lalo na sa paligid ng Lingayen Beach na isa sa mga paboritong destinasyon ng mga bumibisita sa bayan tuwing Mahal na Araw.

--Ads--

Aniya na alam na ng publiko ang mga dapat sundin kaya mas maayos ang daloy ngayong taon.

Nagpapakita naman ito ng disiplina ng mga bisita kaya hanggang ngayon, wala pang naitatalang anumang Holy Week o summer vacation-related incident.

Bagama’t nananatiling matahimik ang sitwasyon, inaasahan pa rin ang pagdami ng mga tao ngayong Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.

Dahil dito, tuloy-tuloy ang deployment ng karagdagang puwersa at mahigpit na monitoring sa mga matataong lugar.