Tiniyak ng pamahalaang lungsod ng Dagupan na aaksyunan nito ang mga reklamong may kinalaman sa mga bar na umano’y lumalabag sa umiiral na curfew at iba pang city ordinances.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez, nakababahala ang mga natatanggap na ulat na may ilang establisimyento na nananatiling bukas hanggang alas-3 ng madaling araw, kung saan may mga kabataan pa umanong nananatili sa loob ng mga ito.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang ganitong sitwasyon at kinakailangang matugunan agad ng mga kinauukulang ahensya.
Nauna nang makatanggap ng mga reklamo ang alkalde hinggil sa operasyon ng ilang bar na umano’y lumalabag sa ordinansa ng lungsod na nagbabawal sa paglikha ng labis na ingay matapos ang alas-10 ng gabi.
Dahil dito, nanawagan si Fernandez sa Philippine National Police (PNP) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paigtingin ang pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa at magsagawa ng kaukulang enforcement operations upang mapigilan ang mga paglabag.
Hiniling din ng alkalde sa Sangguniang Panlungsod na pag-aralan ang mga karagdagang hakbang at posibleng mga polisiya upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng curfew ordinance at mapanatili ang kaayusan, disiplina, at kaligtasan sa lungsod.










