DAGUPAN CITY — Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Dagupan na mayroon itong kakayahan upang makabili ng bakuna para sa lahat ng residente nito.
Ito ang siniguro ni City Mayor Marc Brian Lim, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, matapos na mapasama ang lungsod sa mga unang batch ng mga Local Government Units (LGUs) na nagsecure na ng initial na 40, 000 doses ng COVID-19 vaccine sa kumpanyang AstraZeneca sa pamamagitan ng paglagda ng isang deal o kasunduan.
Ayon kay Lim, naglaan na ng initial na P10 million ang LGU pambili ng bakuna sa AstraZeneca.
Kinumpirma naman ng Alkalde na nakikipag-ugnayan pa sila sa ibang mga kumpanya na gumagawa ng bakuna bilang paghahanda narin sa pagtaas ng demand nito kung saan posible aniyang hindi makaya ng AstraZeneca na suplyan lahat ng bansa na kukuha din sa kanila ng bakuna.
Lalo at target aniya ng LGU na mabilis na mabakunahan ang lahat laban sa COVID-19.