DAGUPAN, CITY— Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan ang darating na bakuna laban sa COVID-19 para sa kanilang nasasakupan.

Ito ay kaugnay na rin sa papalapit na pagdating ng mga COVID-19 vaccine sa Pilipinas sa mga susunod na linggo.

Ayon kay Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, plano ng kanilang tanggapan na magkaroon ng 2 storage facility sa lungsod.

--Ads--

Aniya, ito ay upang masiguro nila na mailalagay sa ideal na temperatura ang mga darating na bakuna.

Dagdag pa niya, kung sakaling kailanganin din ng ibang bayan sa lalawigan ang paglalagyan ng mga nabanggit na bakuna, ay bukas umano ang storage facilities sa siyudad bilang parte na rin ng pakikipagtulungan nila sa iba pang LGUs sa Pangasinan.

Sinabi rin ni Lim na nakahanda na rin ang siyudad sakaling dumating na ang 70% ng bakuna na ibibigay ng national government dito sa lungsod.

Wala pa umanong pagkumpirma kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ibibigay ng national government ngunit maari umanong mula ito sa Moderna, Pfizer, o Sinovac.

Kung susumahin umano kailangan ng 70°C-80°C na temperatura ang mga bakuna mula umano sa Moderna at Pfizer kung kaya’t pinaghahandaan nila ito, at gagamitng specialized freezer upang maimbak ang mga nabanggit na bakuna.

Tinig ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim

Sa ngayon umano ay mayroon nang naaquire na 40,000 doses ng Astrazeneca vaccines ang LGU.

Kung kaya’t kung pagsasamahin ang darating na 70% na bakuna mula sa national government at ang kanilang nabiling bakuna mula sa Astrazeneca, ay tiyak na handa na umano ang siyudad para sa gagawing vaccination activity kontra sa nabanggit na sakit.