Dagupan City – Nagpulong ang lokal na pamahalaan kasama ang mga street sweeper at ang Waste Management Division upang talakayin ang pagpapalakas ng programa sa kalinisan sa lungsod.
Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang koordinasyon at ayusin ang sistema ng paglilinis sa iba’t ibang lugar sa komunidad.
Sa isinagawang talakayan, binigyang-diin ang pagpapatupad ng mas organisadong iskedyul ng paglilinis at mas malinaw na pagtatalaga ng mga sakop na lugar ng bawat tauhan.
Tinalakay rin ang pagpapairal ng mas mahigpit na disiplina upang matiyak na tuloy-tuloy at maayos ang operasyon sa pangongolekta at pagwawalis ng basura.
Ipinaalala rin ng pamahalaan sa publiko ang kahalagahan ng tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura sa kani-kanilang tahanan.
Ayon sa anunsiyo, sarado ang kasalukuyang dumpsite kaya hinihikayat ang mga residente na sumunod sa ipinatutupad na waste segregation at collection guidelines.
Inaasahang makatutulong ang mas pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng mga tauhan at ng komunidad upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa lungsod, kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng mga umiiral na patakaran sa solid waste management.










