Dagupan City – Nagsagawa ng pamamahagi ng suplay ang lokal na pamahalaan ng Dagupan sa Barangay Malued, bilang bahagi ng direktang serbisyo para sa mga residenteng patuloy na naaapektuhan ng kalamidad at pabago-bagong panahon.

‎Pinangunahan ng LGU ang operasyon sa tulong ng mga barangay official, council members, at volunteers. Kabilang sa mga isinagawa ay libreng konsultasyon, check-up, at pamamahagi ng gamot at bitamina partikular na para sa mga batang nasa panganib ng impeksyon, at mga senior citizens na may mga dati nang iniindang karamdaman.

‎Bahagi rin ng aktibidad ang distribusyon ng mga kagamitang pantulog gaya ng banig at sleeping mats para sa mga pamilyang hirap pa ring makarekober mula sa mga nagdaang pagbaha.

‎Ayon sa mga kinatawan ng lungsod, hindi ito one-time event kundi bahagi ng seryeng community outreach program na layong abutin ang mga komunidad na madalas naipagkakait ng serbisyong medikal dahil sa lokasyon o limitadong access.

‎Dagdag pa rito, binigyang-pansin din ang pag-iwas sa water-borne diseases gaya ng leptospirosis at dengue na karaniwang tumataas ang kaso tuwing tag-ulan.

‎Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na magpapatuloy ang mga ganitong aktibidad sa iba pang barangay sa lungsod. Bukod sa pagbibigay-serbisyo, layon din ng programang ito na palakasin ang ugnayan ng pamahalaan at ng mga residente, at tiyaking walang komunidad ang mapag-iiwanan sa panahon ng krisis.