Dagupan City – Mas pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng Dagupan at Department of Education (DepEd) ang kanilang pagtutulungan upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon at matugunan ang suliranin sa literacy ng mga mag-aaral sa lungsod.

Ayon kay Mayor Belen Fernandez, malaking tulong ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan sa Dagupan.

Sa kasalukuyan, may 25 school building projects na naisakatuparan, kabilang ang mga natapos na, kasalukuyang itinatayo, at mga nakatakdang simulan.

--Ads--

Aniya, karamihan sa mga ito ay pinondohan ng lokal na pamahalaan bilang bahagi ng layunin nitong mabigyan ng maayos, ligtas, at komportableng kapaligiran ang mga mag-aaral.

Binigyang-diin ng alkalde na mahalagang mapabuti ang kondisyon ng mga paaralan dahil nakaaapekto ito sa pagkatuto ng mga bata. Kabilang sa mga proyektong isinulong ng lungsod ang pagpapatayo at pagsasaayos ng mga silid-aralan, aklatan, at science facilities upang makatulong sa pagpapataas ng literacy, numeracy, at science competencies ng mga estudyante.

Kasabay nito, patuloy ring pinalalawak ng lungsod ang mga programang sumusuporta sa pangangailangan ng mga mag-aaral.

Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang institusyon upang matugunan ang mga suliraning may kaugnayan sa paningin, pandinig, at mental health ng mga bata upang matiyak na walang mag-aaral ang maiiwan sa kanilang pag-aaral.

Samantala, sinabi ni Agnes Royulada, Education Program Supervisor ng Schools Division Office-Dagupan, na mahalaga ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor upang masolusyunan ang matagal nang hamon sa reading literacy.

Aniya, hindi lamang responsibilidad ng mga guro ang pagpapaunlad ng kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral kundi tungkulin din ng buong komunidad.

Dahil dito, isinama sa mga literacy initiatives ang pakikilahok ng mga barangay officials, Sangguniang Kabataan leaders, 4Ps leaders, at iba pang sektor upang magkaroon ng mas malawak na suporta para sa mga programang pang-edukasyon.

Naniniwala ang mga opisyal na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan, DepEd, at komunidad ay mas mapapabilis ang pag-angat ng literacy rate at kalidad ng edukasyon sa Dagupan City.