Dagupan City – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at monitoring ng City Agriculture’s Office kasama si Dagupan City Mayor Belen Fernandez upang labanan ang pagkalat ng mga ‘tangok’ na Bangus sa nasabing lungsod ng Dagupan.
Isa sa binisita ng Alkalde, kasama ng ilang kawani ng City Agriculture’s Office ang Consignation Market sa lungsod ngayong araw (September 13, 2024) upang tingnan ang kalagayan ng mga bangus sa lugar, kung saan nadiskubre ang ilang mga bangus galing sa ibang bayan na hindi na ligtas kainin.
Ayon sa City Agriculture’s Office, noong nakaraang Lunes pa lamang ay inumpishan na nila ang operasyon at monitoring sa iba’t ibang palengke at pamilihan upang masiguro na ang ibenebente ng mga tindero ay sariwa at hindi tangok.
Makikipag-ugnayan na rin ang nasabing opisina sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang i-report ang naturang insidente.
Ayon naman sa isang source na nakapagbigay impormasyon sa opisina, may mga oras kung kailan ibinabagsak ang nasabing produkto, at hindi lamang sa lungsod ibinibagsak ang bangus, kundi sa iba pang munisipalidad sa probinsiya.
Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang monitoring ng mga bangus na ibinenebenta sa lunsgod galing sa ibang lugar at humihingi ang alkalde na makipagtulungan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili. Nagbigay din ito ng payo sa mga consumer kung paanong makasisigurong sariwa at ligtas kainin ang kanilang binibiling bangus.