Dagupan City – Nagpatuloy ang clearing operations ng lokal na pamahalaan ng Calasiao bilang bahagi ng kampanya upang alisin ang mga nakalaylay na kable at mga luma o inutilisadong poste na maaaring magdulot ng panganib sa publiko at sagabal sa maayos na daloy ng trapiko.

Saklaw ng isinagawang operasyon ang kahabaan ng Lasip-Maros Highway,Barangay Talibaew, at ilan pang bahagi ng kakalsadahan.

Ayon sa pamahalaang bayan, mahalaga ang naturang hakbang upang maiwasan ang posibleng aksidente lalo na sa panahon ng malalakas na ulan at hangin kung saan maaaring bumagsak ang mga sirang linya at poste.

--Ads--

Bukod sa kaligtasan, layunin din ng operasyon na mapaganda ang kabuuang anyo ng mga pangunahing kalsada at mapanatili ang kaayusan ng mga pampublikong lugar.

Tiniyak ng mga opisyal na magpapatuloy ang ganitong aktibidad sa iba pang bahagi ng bayan sa mga susunod na araw upang tuluyang matugunan ang mga kahalintulad na isyu.

Hinihikayat naman ang publiko na makiisa at magbigay ng kooperasyon habang isinasagawa ang mga operasyon para sa mas ligtas at mas maaliwalas na bayan.