Dagupan City – Patuloy na nagpapatupad ang Lokal na Pamahalaan ng Calasiao ng mas mahigpit na aksyon laban sa mga iligal o “kulurom” na tricycle bilang bahagi ng kanilang kampanya upang mapanatili ang kaayusan sa transportasyon sa bayan.
Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat, patuloy din ang pagbibigay ng suporta sa mga lehitimong tricycle driver.
Kabilang dito ang pagkakaloob ng life insurance at scholarship grants para sa kanilang mga anak na nag-aaral sa kolehiyo.
Sinabi rin ng alkalde na nakatakdang makipagpulong ang pamahalaang bayan sa mga gasolinahan upang maibalik ang memorandum of agreement (MOA) na magbibigay muli ng diskwento sa pagbili ng gasolina ng mga tricycle driver.
Layunin nitong mabawasan ang kanilang gastusin sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Nutrition Month, nagsagawa ang LGU Calasiao ng isang bayanihan Zumba activity na dinaluhan ng mga residente bilang bahagi ng kampanya para sa malusog na pamumuhay.










