Calasiao, Pangasinan — Magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Calasiao ng isang “Adopt-a-Creek Program” sa iba’t ibang barangay bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa pagbaha sa bayan.

Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat, inaasahang mailalabas sa loob ng buwang ito ang mga panuntunan o guidelines para sa pagpapatupad ng programa upang matiyak ang maayos at organisadong partisipasyon ng mga barangay.

Layunin ng programa na buhayin, linisin, at regular na pangalagaan ang mga creek o sapa sa iba’t ibang lugar upang mapanatiling maayos ang daloy ng tubig, lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan.

--Ads--

Ipinaliwanag ng alkalde na mahalagang mapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbabara na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagbaha sa ilang komunidad.

Sa pamamagitan ng regular na paglilinis at pangangalaga sa mga creek, inaasahang mababawasan ang panganib ng pagbaha at mapoprotektahan ang mga residente.

Kasabay nito, nanawagan si Caramat sa mga mamamayan na makiisa sa mga programa ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng kalikasan, kabilang ang wastong pagtatapon ng basura at pagpapanatiling malinis ng kanilang kapaligiran.

Umaasa naman ang LGU Calasiao na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga barangay, mga residente, at ng lokal na pamahalaan, mas mapapalakas ang mga hakbang sa flood mitigation at mapapanatiling maayos ang mga daluyan ng tubig sa buong bayan.

Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang bayan ang iba pang mga programang pangkalikasan at pang-imprastraktura bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng tag-ulan at iba pang kalamidad.