Dagupan City – Patuloy na hinaharap ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang mabigat na hamon sa waste management bunsod ng kakulangan sa mga basurahang truck, lumalaking populasyon, at mabagal na proseso ng pagtatapon ng basura sa itinakdang disposal facility sa Pampanga.

Ayon kay Mayor Pedro “Pete” Merrera, tatlong truck lamang ang kasalukuyang gumagana para sa koleksiyon ng basura sa buong bayan, habang ang isa pang sasakyan ay sira at hindi agad maumpisahan ang pagkukumpuni.

Dahil dito, hindi natutugunan ang pang-araw-araw na dami ng basurang nalilikha ng mga residente.

--Ads--

Dagdag pa rito, umaabot ng tatlo hanggang limang oras ang biyahe ng mga trak patungo sa Pampanga, lalo na kapag may trapiko.

Pagdating doon, kailangang pumila ang mga trak dahil sa patakaran na first come, first served, kung saan dalawa hanggang tatlong trak lamang ang napoprocess kada oras.

Dahil sa dami ng mga trak mula sa iba’t ibang bayan, inaabot ng maraming oras bago makapagbuhos ng basura ang mga sasakyan ng Binmaley.

May mga pagkakataon din na gabi na umaalis ang mga trak mula sa bayan at kinabukasan na lamang nakababalik, dahilan upang maipon ang basura at hindi agad makolekta ang bagong nalilikha sa mga sumunod na araw.

Nagdudulot ito ng hindi pagtutugma ng dami ng basura at kakayahan ng pamahalaang bayan na dalhin ito sa tapunan.

Ipinunto rin ni Merrera na hindi lamang Binmaley ang may ganitong suliranin kundi maging ang iba’t ibang bayan sa Pilipinas, lalo na yaong may limitadong pondo.