DAGUPAN CITY- Tiniyak ni Mayor Pedro Merrera na patuloy na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang mahigpit na regulasyon kaugnay ng pagsasara ng ilang establisyimento sa Binmaley bilang bahagi ng pagsunod sa pambansang patakaran.

Ayon sa alkalde, kinakailangang dumaan sa wastong proseso ang lahat ng negosyo, lalo na ang may mga paglabag at hindi nakakatupad sa itinakdang pamantayan ng gobyerno.

Binanggit ni Mayor Merrera na hindi maaaring balewalain ang mga paglabag dahil nakaaapekto ito sa operasyon ng bayan at sa kapakanan ng mamamayan.

--Ads--

Dagdag niya, anumang obligasyong hindi natutugunan ng mga establisyimento ay direktang may epekto sa pinansyal na operasyon at serbisyo ng lokal na pamahalaan.

Kaya naman, kinakailangan aniyang sumunod ang mga negosyo upang maiwasan ang mas mabigat na parusa at matiyak ang maayos na takbo ng komunidad.

Patuloy namang nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Binmaley sa mga regional at national offices upang matiyak na naibibigay ang nararapat na serbisyo at asistensiya sa mga mamamayan.

Tiniyak ni Mayor Merrera na nakahanda ang LGU na ayusin at pagtibayin ang mga proseso upang mapanatili ang kaayusan at kasiguruhan ng operasyon ng mga establisyimento sa bayan.