DAGUPAN CITY — Inuutusan ng Commission on Audit (COA) ang LGU Binmaley sa pamamagitan ng Municipal Accountant na pagbayarin ang kampo ni Vice Mayor Simplicio Rosario, na dating alkalde ng naturang bayan.
Kasama ng Bise Alkalde ang dating OIC Municipal Engineer Leo V. Fernandez, at ang Citron Builders and Supplies sa magbabayad ng kabuuang halaga na P7,814,411.58 para sa dalawang disallowances.
Ayon kay Atty. Franco C. Francisco, ang Municipal Administrator ng naturang bayan, sinulatan ng COA si Mayor Pete Merrera na naglalaman ng Notice of Finality of Decision kung saan ay nakasaad dito na kailangang magbayad sina Vice Mayor Rosario at mga kasama nito sa kanilang “disallowances” sa munisipyo.
Pirmado ni Officer-In-Charge Karlo P. Almonidovar ng COA Regional Office 1 na nakabase sa San Fernando City, La Union ang naturang sulat.
Pagpapaliwanang pa ni Francisco, lumabas sa findings ng COA na bagamat nasingil na sa DPWH ang kontrata sa pagpapatayo ng 3-storey school building sa Binmaley Central School ay muling isiningil sa pondo ng munisipyo ang P7.8-Million at ibinayad sa Citron Builders and Supplies para sa parehong proyekto noong Mayor pa ng Binmaley si Vice Mayor Rosario.
Dagdag pa nito, maaaring paghahatian nina Vice Mayor Rosario, dating Municipal Engineer Fernandez at Citron Builders and Supplies ang P7.8-Million na kailangan nilang bayaran at ibalik sa munisipyo.