Nagpatawag ng pampublikong pagdinig ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay sa panukalang pag-amyenda sa Revenue Code Ordinance at Revised Market Code ng bayan.
Isasagawa ang pagdinig upang maipaliwanag sa publiko ang mahahalagang probisyon ng mga panukalang ordinansa, kabilang ang mga bagong patakaran, bayarin at kaukulang parusa sa mga lalabag.
Layunin din nitong mabigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang sektor na maglahad ng kanilang opinyon, mungkahi at posisyon bago tuluyang pagtibayin ang mga panukala.
Inanyayahan ang mga nagbabayad ng buwis, negosyante, may-ari at umuupa ng pwesto sa pamilihan, mga opisyal ng barangay at iba pang stakeholder na aktibong makilahok sa talakayan.
Tatalakayin sa pagdinig ang mga posibleng epekto ng panukalang rebisyon sa koleksiyon ng kita ng bayan at sa pamamahala ng pampublikong pamilihan.
Isasagawa ang naturang pampublikong pagdinig sa Pebrero 21, 2026, alas-9 ng umaga sa Balon Bayambang Events Center.










