Dagupan City – Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang maayos, legal, at ligtas na pagnenegosyo sa pamamagitan ng pagsunod sa tamang proseso ng pagkuha ng business permit, alinsunod sa itinatakda ng Citizen’s Charter.
Kabilang sa mga pangunahing requirement na kailangang isumite ng mga bagong negosyante ang Barangay Business Clearance, DTI Certificate para sa mga single proprietors, SEC Certificate para sa mga korporasyon, o CDA Certificate para sa mga kooperatiba.
Kasama rin dito ang Sworn Declaration of Capitalization, Occupancy Permit, Sanitary Permit o Health Certificate, at Fire Safety Inspection Certificate.
Upang mas mapadali ang proseso, inilunsad ng LGU ang Business One-Stop Shop o BOSS kung saan naroon na ang mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan upang sabay-sabay na tanggapin at iproseso ang mga dokumento ng aplikante.
Bukod dito, may e-BOSS na rin na maaaring ma-access online para sa mga mas nais ng digital na paraan ng aplikasyon.
Nilinaw ng pamahalaang lokal na hindi totoo ang mga kumakalat na sabi-sabing mahirap at magastos ang pagkuha ng permit.
Depende sa laki, klase, at lokasyon ng negosyo ang binabayarang halaga, at nananatiling abot-kaya ito lalo na sa mga maliliit na negosyante.
Pinaalalahanan ang mga mamamayan na huwag basta maniwala sa mga haka-haka at mas mainam na dumiretso sa munisipyo para magtanong ukol sa proseso.
Sa ganitong paraan, masisiguro ang pagiging legal at ligtas ng anumang uri ng negosyo sa bayan.