Dagupan City – Patuloy ang mas pinaigting na ugnayan at koordinasyon ng San Carlos City Police Station sa Local Government Unit (LGU) upang mas epektibong maipatupad ang mga programang pangkapayapaan at pangkaligtasan sa lungsod.
Ayon kay PCapt. Aldrin Tamayo, Operations Officer ng San Carlos City PNP, regular ang isinasagawang mga pagpupulong sa pagitan ng kapulisan at ng LGU kaugnay ng mga programang nagmumula sa mas mataas na tanggapan.
Dagdag pa niya, lubos na suportado ng LGU ng San Carlos ang mga pulis, lalo na sa mga operasyong naglalayong mapanatili ang kaayusan at seguridad ng komunidad.
Tiniyak din ng San Carlos City Police Station na patuloy itong magbibigay ng dekalidad na serbisyo at agarang tulong sa mga mamamayan ng lungsod.
Gayunman, binigyang-diin na hindi kayang gampanan ng kapulisan lamang ang lahat ng tungkulin sa pagpapanatili ng kaayusan kaya mahalaga ang aktibong partisipasyon at kooperasyon ng mga mamamayan upang maging matagumpay ang mga hakbang laban sa kriminalidad.
Ipinunto rin nito na ang paglaban sa krimen ay isang sama-samang responsibilidad ng pulisya at ng komunidad.










