Dagupan City – Pinarangalan ng Government Service Insurance System (GSIS)–Dagupan Branch Office ang Lokal na Pamahalaan ng Asingan ng Outstanding Agency 2025 bilang pagkilala sa natatanging pagganap nito bilang katuwang na ahensya ng GSIS.

Iginawad ang parangal dahil sa mahusay na pagtupad ng lokal na pamahalaan sa mga tungkulin nito, katapatan sa pagsasagawa ng mga responsibilidad, at aktibong pakikipagtulungan sa GSIS sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa kapakanan ng mga kawani ng pamahalaan.

Ang sertipiko ng pagkilala ay nilagdaan ni Mabel A. De Guzman, PhD, DPA, Branch Manager ng GSIS Dagupan Branch Office, bilang opisyal na pagpapatunay sa natamong pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan.

--Ads--

Ayon sa GSIS Dagupan Branch Office, ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa patuloy na dedikasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Asingan sa mahusay na pamamahala at sa maagap na pagtupad sa mga obligasyon nito bilang partner agency ng GSIS.

Ipinakikita rin ng parangal ang matatag na hangarin ng pamahalaang lokal na mapanatili ang mahusay, responsable, at maaasahang paghahatid ng serbisyo publiko, lalo na sa pagbibigay ng nararapat na benepisyo at suporta sa mga empleyado ng pamahalaan.