Dagupan City – Tumanggap ng Balangay Seal of Excellence Award ang Bayan ng Asingan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang pagkilala sa matagumpay at tuluy-tuloy nitong kampanya kontra iligal na droga.
Ito ay matapos mapanatili ng bayan ang pagiging drug cleared ng nasa 21 barangay sa kanilang nasasakupan sa pangunguna ng Asingan Police Station.
Natatangi ang ‘Balangay Seal of Excellence’ dahil ito na ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad ng PDEA sa mga Lokal na pamahalaan na naideklarang drug cleared ang lahat ng kanilang mga barangay.
Matatandaan na noong taong 2023 sa buwan ng Agosto ng pormal na ideklara ang bayan ng asingan ilang drug cleared municipality kaya malaking karangalan ito sa kanilang nasasakupan.
Sa kabuuan, 17 lamang na lokal na pamahalaan sa buong Region 1 ang nakatanggap ng nasabing parangal, kung saan 7 dito ang mula sa Pangasinan gaya ng Agno, Asingan, Balungao, Bautista, Binalonan, Bolinao, at San Fabian.
Ayon kay Mayor Carlos Lopez Jr., taong 2019 nang ipag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mas pinaigting na kampanya laban sa droga sa lahat ng sulok ng bansa.
Mula noon, mahigpit itong sinuportahan ng mga lokal na opisyal ng Asingan, na naging daan upang maisaayos ang bayan at mailarawan ito bilang isang ligtas at drug-free community.
Dahil dito regular silang nagsasagawa ng malawakang drug testing sa mga drug surrenderers, mga empleyado ng pamahalaang lokal, barangay officials, kawani ng gobyerno at maging mga benepisyaryo ng TUPAD Program.
Samantala, sa kabila ng pagiging drug-cleared municipality ay patuloy pa rin ang mga inisyatiba ng bayan para mapanatili ang kalinisan sa komunidad laban sa droga.