Dagupan City – Nagpatupad ang Pamahalaang Bayan ng Aguilar ng temporary total ban sa pagpasok at paglabas ng mga buhay na baboy, pork at pork by-products sa munisipalidad bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Nakasaad ito sa Executive Order No. 76, Series of 2026, na naglalayong kontrolin ang posibleng pagpasok at pagkalat ng ASF sa mga alagang baboy sa lugar.
Sakop ng kautusan ang mga live swine, karne ng baboy at iba pang produktong mula sa baboy na papasok o lalabas ng Aguilar.
Hinihikayat ang mga residente, hog raisers, negosyante at iba pang stakeholder na sundin ang ipinatutupad na pagbabawal at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Layunin ng hakbang na maprotektahan ang industriya ng paghahayupan at kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy laban sa epekto ng ASF.










