Payak ngunit makabuluhan para sa mga katoliko ang pagdiriwang ng Lenten season sa Thailand.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rinse Galupo, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, bagamat ipinagdiriwang ang Kuwaresma sa Thailand, nananatiling limitado ang saklaw nito dahil tinatayang 95 hanggang 96 porsyento ng populasyon ng bansa ay kabilang sa relihiyong Budismo.
Gayunpaman, may mga Katolikong komunidad pa rin na aktibong nagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon, lalo na sa mga lugar na may diyosesis.
Isa sa mga halimbawa nito ay ang Diocese of Ratchaburi, kung saan bagamat hindi kalakihan ang bilang ng mga Katoliko, patuloy pa ring ginugunita ang bawat linggo ng Kuwaresma.
Nakikibahagi rin sa mga gawain ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Thailand, lalo na ang mga hindi nakakauwi sa Pilipinas sa panahon ng Semana Santa.
Sa usapin naman ng mga tradisyon, inihayag ni Galupo na hindi kasing-intense ng mga nakasanayang gawain sa Pilipinas ang pagdiriwang sa Thailand.
Wala umanong mga penitensiya tulad ng pagpapapako sa krus o pananakit sa sarili. Sa halip, mas simple at nakatuon sa panalangin ang mga aktibidad.
Kabilang sa mga isinasagawang debosyon ang pagbisita sa simbahan o “Visita Iglesia,” bagamat hindi ito ginagawa nang naglalakad dahil sa kalayuan ng mga lugar.
Kadalasan ay kinakailangan ng sasakyan upang makapunta sa iba’t ibang simbahan.
Sa Ratchaburi, partikular sa St. John Bosco Church, may nakatakdang mga aktibidad tuwing Semana Santa, kabilang dito ang “washing of the feet” tuwing Huwebes Santo, mga gawain tuwing Biyernes Santo, Easter Vigil sa Sabado de Gloria, at misa sa Linggo ng Pagkabuhay na isinasagawa sa wikang Thai.
Samantala, nabanggit din ni Galupo na maraming Pilipinong guro sa mga paaralan ng diyosesis ang binibigyan ng libreng pamasahe upang makauwi sa Pilipinas sa panahon ng Kuwaresma, bilang bahagi ng programa ng kanilang mga institusyon.










