Dagupan City – Tutol ang Legal Network for Truthful Elections o LENTE sa panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na nakatakda sa 2026.

Ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE, hindi umano tama ang postponement ng halalan dahil kinakailangang dumaan sa tamang proseso ang anumang pagbabago sa itinakdang termino ng mga halal na opisyal.

Ani Caritos, maaaring magkaroon ng pagbabago sa term setting, gaya ng panukalang pagpapalawig mula limang taon hanggang anim na taon. Gayunman, hindi aniya sapat na dahilan ang mga isyung gaya ng oil crisis upang ipagpaliban ang halalan.

--Ads--

Iginiit ng LENTE na dapat tiyaking naaayon sa Konstitusyon at umiiral na batas ang anumang hakbang para sa postponement ng BSKE.

Samantala, maaari umanong tutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala at ibalik ito sa Kongreso upang muling pag-aralan at talakayin.

Sa ngayon, lumalabas na posible umanong hindi pirmahan ng Pangulo ang panukala, bagama’t nakadepende pa rin ito sa magiging pinal na desisyon ng Malacañang.