Binigyang pugay ang tagumpay at legasiya ni dating 5 time Speaker Jose De Venecia Jr. sa pagbubukas ng gusali at museo nito sa loob ng Batasan Pambansa Complex sa Quezon City.

Ang Jose De Venecia Jr. Building at Museum (The Life and Times of Rainbow Joe) ay pormal nang pinasinayaan at binuksan kamakailan sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez .

Makikita dito ang mga memorabilia, legasiya at tagumpay ni JDV bilang pagbibigay pagkilala sa kanya sa naging kontribusyon nito sa bansa.

--Ads--

Ilan lamang sa naging batas na inakda ng dating speaker ay ang Bases Conversion Law, Build-Operate-Transfer (BOT) Law at ang New Central Bank Law.

Ang mga batas na ito ay naging pundasyon ng pag-unlad ng ekonomiya at pagtutulungan ng mga bansa sa Asya.

Kasama din si de Venecia sa pagtatatag ng diplomasyang parlamentaryo at ang pagsusulong ng Interfaith Dialogue sa United Nations, International Conference of Asian Political Parties at Asian Parliamentary Assembly.

Ayon naman kay Speaker Romualdez, ang pagtataguyod ng gusali at museo na may pangalang Jose de Venecia ay isang paalala ng mga prinsipyo ng dating lider na pagkakaisa, malasakit, at ang hindi matitinag na hangarin para sa kapayapaan at kaunlaran.

Samantala, ipinagmalaki naman ng anak nito na si 4th District Representative Christopher De Venecia ang mga nagawa ng kanyang ama.

Aniya, si JDV ay hindi lamang isang Speaker ng Kamara, kundi isang tunay na lingkod-bayan na nag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng bansa.