Nagkalat ang legal team ni dating US Pres. Donald Trump sa unang araw ng pagpapatuloy ng impeachment hearing nito sa Senate.
Ito ang ginawang paglalarawan ni Bombo International Correspondent Atty. Arnedo Valera, US Immigration Attorney sa Washington DC, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan matapos na pagbotohan ang constitutionality ng impeachment hearing ni Trump.
Kung titignan ayon kay Valera ay tila hindi alam ng defense team ni Trump ang sasabihin. Bagamat, hindi na aniya ito gaanong nagtataka lalo at ang kaniyang bagong legal team ay parang isang linggo lamang ng mabuo.
Kaya naman lumabas ang mga ulat na galit na galit at dismayado si Trump dahil hindi ito nadepensahan sa unang bahagi palamang ng impeachment hearing.
Lalo at ayon kay Atty. Valera, maayos at maganda ang iprenesinta ng mga impeachment managers na ibidensya upang ipaggiitan na may kapangyarihan ang US Senate na isagawa ang paglilitis laban kay Trump gayundin sa pagpapakita na may ginawa itong insurrection o paghihikayat ng kaguluhan.
Matatandaan na bago pa man matapos ang termino noong Enero ni Trump ay isa-isang nagbitiw ang unang legal team nito dahil sa pagiging taliwas ng kanilang paniniwala sa ginawa nitong panghihikayat sa kaniyang mga tagasunod noong Enero 6 na nagresulta sa pagkamatay ng limang katao kabilang na isang pulis.




