Dagupan City – Ikinadismaya ng isang Legal/Political Consultant ang paghahain ng mga personalidad ng Certificate of Candidacy kahit na wala namang alam ang mga ito sa batas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominic Abril, Legal/Political Consultant, mistulang ginawang katuwaan lamang kasi aniya ang paghahain ng kandidatura sa bansa.
Aniya, hindi ito birong usapin dahil kaban ng bayan, at tugon sa batas ang pinag-uusapan dito.
Kung kaya’t muli niyang binigyang diin ang ibang mga aspirants na kapag bored, walang magawa, gustong manatli ang kasikatan, o magpapansin sa publiko, libangin aniya ang sarili at huwag maghahain ng kandidatura kung wala namang alam sa susumpaang trabaho.
Dagdag pa niya, hindi ito isang reunion ng mga kamag-anak na mistulang nagsasama-sama na sa isang pulitika. At hindi rin basehan ang “highest bidder” sa pagbibigay ng boto.
Ayon kay Abril, dapat tingnan ng isang botante ang basehan na kahit wala sa nakasaad na kwalipikasyon sa isang kandidato. Gaya na lamang ng may karanasan sa batas, may alam sa pagsulat ng bills, mag-lead ng isang team para mag-execute ng isang batas at ordinansa.
Binati naman nito ang Gen Z, na tila ba mas sila na ang mulat at may kaalaman ngayon sa realidad, kung ikukumpara sa mga may edad na, na sarado ang isip sa mga bagong aspirants at nanantili sa nakasanayan.