Magastos at maproseso ang pagwawasto ng birth certificate kapag mali ang nakalagay na ama ng bata.
Ayon kay Atty. Joey Tamayo – Co anchor, Duralex Sedlex batay sa umiiral na batas, kapag ang mga magulang ay hindi kasal, ang karaniwang inilalagay sa birth certificate bilang magulang ay ang ina lamang.
Sa ganitong kalagayan, hindi nilalagay ang pangalan ng ama o anumang middle name na nagmumungkahi ng ama.
Upang mailahad ang ama sa birth certificate, kinakailangan ang isang Affidavit of Acknowledgment mula sa ama.
Kung saan ang apelyido ng bata ay nakasalalay sa pahintulot ng mga magulang, partikular na ng ina, hinggil sa magiging apelyido ng kanilang anak.
Ani Atty. Tamayo mahalagang paalala na ipinagbabawal ang paglalagay sa birth certificate ng pangalan ng isang tao na hindi tunay na ama o ina, sapagkat ito ay may kaakibat na parusa ayon sa batas.
Ang maling paglalahad ng impormasyon sa birth certificate ay itinuturing na krimen na tinatawag na simulated birth, na may kaparusahang pagkakulong mula anim hanggang labingdalawang taon.
Gayunpaman, kung ang pagkakamaling ito ay nagawa nang may mabuting intensyon o walang malisya (in good faith), maaaring hindi ito pagmultahin.
Gayunpaman, kailangang sumailalim sa legal na proseso, kabilang ang DNA testing, upang matiyak ang pagkakakilanlan ng tunay na ama.
Bagamat may kalakip na gastusin ang pagsasagawa ng nasabing proseso, ito ang tanging legal na paraan upang maitama ang birth certificate at maipagkaloob ang nararapat na pagkilala sa ama ng bata.