Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nagbigay ng malalim na legal na pagsusuri si Atty. Joey Tamayo, isang law expert, hinggil sa mainit na isyu ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” de la Rosa.
Ayon kay Atty. Tamayo, ang Republic Act 9851 ang nagsisilbing pundasyon upang maisakatuparan ang mga pandaigdigang batas sa Pilipinas, lalo na sa mga krimeng may kaugnayan sa humanitarian issues, genocide, at malawakang pagpapatay.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng batas na ito, maaaring makipagtulungan ang mga lokal na pulis sa international police upang dakpin ang mga itinuturing na “international criminals.”
Bagama’t opisyal nang kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2019, binigyang-diin ni Tamayo na may nauna nang desisyon ang Korte Suprema na ang ICC ay nananatiling may jurisdiksyon sa mga kaso nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Bato na naganap bago ang nasabing pag-alis.
Gayunpaman, binanggit din niya ang isang mahalagang punto: kung may maisasampang kaukulang kasong kriminal dito sa Pilipinas laban sa senador, ang lokal na hukuman ang mananaig at maaaring mawalan ng jurisdiksyon ang ICC.
Nilinaw ni Atty. Tamayo na ang pagpapatupad ng anumang warrant ay nasa ilalim ng executive function. Dahil ang Department of Justice (DOJ) at ang National Bureau of Investigation (NBI) ay nasa ilalim ng Office of the President, ang ehekutibo pa rin ang may huling kapangyarihan kung ipatutupad ang nasabing pag-aresto.
Sa usapin kung maibibigay ba ng Senado ang proteksyon kay Sen. Bato, ipinaliwanag ni Tamayo na ayon sa Saligang Batas, ang mga mambabatas ay exempt lamang sa pag-aresto kung ang krimen ay may parusang anim na taon pababa habang nasa sesyon ang Kongreso.
Dahil ang mga paratang na “crimes against humanity” at malawakang pagpapatay ay may mas mabigat na parusa, hindi maaaring gamitin ang pagiging senador bilang proteksyon laban sa warrant.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng abogado na bukas ang ating mga hukuman para sa sinumang nais humingi ng remedyo.
Maaaring dalhin ng kampo ni Sen. Bato ang usapin sa Korte Suprema upang kwestyunin ang legalidad o constitutionality ng ICC warrant sa loob ng bansa.










