Dagupan City – Nanawagan ang legal at political consultant na si Atty. Francis Dominick Abril sa publiko na maging data-driven, objective, at nakatuon lamang sa mga dokumentadong ebidensya sa gitna ng mga usapin kaugnay ng posibleng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Abril, bilang isang “democratic country,” mahalagang may malinaw na batayan at pamantayan sa pagsusuri ng mga reklamo laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Giit niya, dapat umiwas ang publiko sa pagiging emosyonal o politically motivated, lalo na sa gitna ng mga imbestigasyon.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na dapat manatiling nakapokus sa “probable cause” at sa laman ng mga kaso ang diskusyon, at iwasan ang mga dagdag na salik na maaaring magdulot ng bias o “political color.”

Ipinaliwanag din niya ang proseso na sa ilalim ng 1987 Constitution, ang House of Representatives ang may tungkulin sa pag-imbestiga at pag-file ng impeachment complaint, habang ang Senado naman ang magsisilbing impeachment court kung maisusulong ang kaso.

Sa usapin ng Senado, binanggit din ni Abril ang magiging papel nito ay ang pagdinig at paghatol base sa ebidensya, sakaling maiakyat ng Kamara ang reklamo.

Nagpaalala rin si Abril na mahalagang manatiling nakabatay sa kredensyal, ebidensya, at proseso ng batas ang pagsusuri sa mga opisyal ng gobyerno, anuman ang kanilang katayuan o impluwensiya sa lipunan.