DAGUPAN CITY- Tuloy-tuloy pa ang monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa San Roque Dam.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng nasabing ahensya, as of 11:30 kaninang umaga, umabot na sa 280.62 meters above sea level (masl) ang lebel ng tubig at nagkaroon na ng bahagyang pagbukas upang unti-unti na itong mabawasan.

Aniya, binabantayan din nila ang mga bayan sa Eastern Pangasinan na maaaring daanan o dadaluyan ng pinakawalang tubig sa mga kailugan.

--Ads--

Kahit 0.5 meters lamang ang itinaas at hindi ito karami, hindi pa rin maaalis sa publiko na mangamba.

Gayunpaman, sa kanilang monitoring ay nakikitaan naman na nila ng bahagyang pagbaba sa river systems na konektado sa San Roque Dam.

Samantala, umabot na sa higit P500-million pinsala sa agrikultura at imprastaktura at higit P3-million naman sa livestock dulot ng Bagyong Crising, Dante, at Emong.

Ani Chiu, partial pa lamang ang mga nasabing bilang at patuloy pa ang beripikasyon nito.

Bukod pa riyan patuloy pa rin ang kanilang pag-ikot sa mga binabahang lugar, partikular na sa District 1.

May natatanggap silang report na may ilan bayan na unti-unti nang naibabalik ang linya ng kuryente.

Nabanggit din ni Chiu na patuloy pa rin ang kanilang pagsasagawa ng relief operations.