Inihayag ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na kasalukuyang nasa above normal level na ang floodwater monitoring system sa Marusay-Sinocalan River.

Gayunman, nilinaw ng tanggapan na malayo pa ito sa itinuturing na critical level at wala pang naitatalang malawakang pagbaha.

Sa panayam, sinabi ni Kristine Joy Soriano, Spokesperson ng Calasiao MDRRMO, na bagama’t bahagyang tumaas ang lebel ng ilog, wala pa silang natatanggap na ulat ng significant flooding.

--Ads--

Mayroon lamang aniyang ilang isolated cases ng naipong tubig-ulan sa ilang lugar at bahagi ng mga kalsada sa bayan.

Patuloy namang mino-monitor ng MDRRMO ang pagtaas ng lebel ng ilog at ang rainfall warnings na umiiral sa Calasiao.

Sa kasalukuyan, nakataas ang yellow hanggang orange rainfall alert, na inaasahang mararanasan hanggang Miyerkules.

Dahil dito, inaasahang maaari pang tumaas ang lebel ng ilog, bagama’t hindi pa ito inaasahang aapaw.

Nagbigay na rin ng abiso ang MDRRMO sa pitong low-lying barangays na kanilang binabantayan gaya ng Barangay Lasip, Talibaew, Lumbang, Longos, Mancup, Pob. East, Pob. West at 5 Isolated in low lying areas gaya ng Barangay Gabon, Banaoang, Buenlag, Songkoy at Nalsian kung saan ang mga ito ay mga komunidad na malapit sa mga ilog, upang manatiling alerto at nakaantabay sa lagay ng panahon.

Kasalukuyan ding nagsasagawa ng pulong ang Calasiao DRRM Council upang talakayin ang mga hakbang at paghahandang ipatutupad ng lokal na pamahalaan bilang tugon sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Bagyong Luis.

Ayon pa sa MDRRMO, naka-preposition na ang mga response equipment at iba pang assets ng bayan.

Saad nito na nasa blue alert status na rin ang kanilang mga personnel at nakahandang itaas ito sa red alert status kung kinakailangan, habang naka-standby ang mga responder para sa posibleng deployment.

Samantala, nanawagan ang MDRRMO sa publiko na manatiling mapagmatyag at huwag maging kampante kahit hindi pa naaabot ng ilog ang critical level.

Pinayuhan din ang mga magulang na huwag hayaang maglaro o lumangoy ang kanilang mga anak malapit sa mga ilog dahil sa malakas na agos ng tubig, lalo na ngayong suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bayan ng Calasiao. (via Bombo Oliver Dacumos)