Dagupan City – Nanawagan ang League of Disaster Risk Reduction and Management Officers (LDRRMO) Pangasinan sa pamahalaan na isabatas na rin ang Magna Carta para sa mga Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) workers kasunod ng pag-apruba sa panukalang Magna Carta para sa Barangay Health Workers (BHWs).
Ayon kay LDRRMO Pangasinan President Carlito Hernando, mahalagang mabigyan din ng sapat na pagkilala, proteksiyon at benepisyo ang mga DRRM workers dahil kabilang sila sa mga unang rumeresponde sa panahon ng kalamidad.
Binanggit ni Hernando ang sakripisyo ng mga disaster responders na patuloy na sumusuong sa panganib tuwing may bagyo, pagbaha, lindol at iba pang sakuna upang mailigtas at matulungan ang mga apektadong residente.
Malaki rin aniya ang naging papel ng mga DRRM workers noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, kung saan tumulong ang mga ito sa pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan at paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Dahil dito, ikinadismaya ng ilang DRRM workers ang pag-usad ng Magna Carta para sa BHWs habang wala pa ring batas na partikular na nagbibigay ng karagdagang proteksiyon at benepisyo para sa mga disaster responders.
Nilinaw naman ni Hernando na hindi sila tutol sa Magna Carta para sa BHWs. Sa halip, nais lamang nilang mabigyan din ng kaparehong konsiderasyon ang mga DRRM workers na patuloy na nagsisilbi at humaharap sa panganib para sa kaligtasan ng publiko.
Sa Kongreso, ilang panukalang Magna Carta para sa public DRRM workers na ang naihain na naglalayong magtakda ng mas malinaw na mga benepisyo, proteksiyon, training, insurance at iba pang suporta para sa mga personnel na nasa frontline ng disaster preparedness, response at recovery.
Para sa LDRRMO Pangasinan, mahalagang maisulong ang naturang panukala upang matiyak na ang mga DRRM workers ay may sapat na suporta mula sa pamahalaan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, lalo na sa panahon ng malalaking sakuna at emergency.










