DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Hindi na bago sa atin ang mga kakaibang bagay na ginagawa ng mga taong lasing.

Ngunit, paano kung malaman mo na may taong kayang lumunok ng kutsara nang malasing?

Isang 29-anyos na lalaki sa China kasi ang nadiskubreng may 15-sentimetrong kutsara sa kanyang tiyan matapos ang halos anim na buwang hindi niya namamalayang nalulon ito habang lasing.

--Ads--

Kinilala ang lalaki bilang si Mr. Yang, na nagtungo sa Zhongshan Hospital sa Shanghai dahil sa pananakit ng tiyan at hinalang nakalunok siya ng plastik mula sa isang takeout meal.

Laking gulat ng mga doktor nang matuklasang isang ceramic coffee spoon ang nakabaon sa kanyang duodenum.

Nang ipaliwanag ng mga doktor ang natuklasan, saka lang naalala ni Mr. Yang ang insidente sa isang hotel.

Sa kasagsagan ng kalasingan, sinubukan niyang gamiting pantulak ng suka ang kutsara.

Kinaumagahan, inakala niyang panaginip lamang ang lahat at nagpatuloy sa kanyang normal na pamumuhay.

Sa loob ng anim na buwan, patuloy siyang nag-ehersisyo at hindi nakaranas ng malalang sintomas.

Kamakailan lamang ay isinailalim siya sa endoscopic surgery.

Nabigo ang unang pagtatangka dahil madulas ang kutsara, ngunit kalaunan ay matagumpay itong nakuha gamit ang ibang pamamaraan.