Nauwi sa pagkakaaresto ang isang 41-anyos na lalaki matapos umanong manggulo, manakot, at manakit ng kapwa residente sa Caoayan Hills, Barangay Caoayan, Sual , Pangasinan.

Ayon sa paunang imbestigasyon, rumesponde ang mga tauhan ng Sual Police Station matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na gulo sa lugar.

Nabatid na ang suspek, na umano’y nasa impluwensiya ng alak at armado ng butcher knife, ay nagdulot ng kaguluhan at nagbanta sa isang 63-anyos na babae na residente rin ng nasabing lugar.

--Ads--

Sinubukan namang awatin at pakalmahin ng isang 59-anyos na retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines at kasalukuyang presidente ng Housing Owner’s Association ng Caoayan Hills AFP/PNP Housing ang suspek. Gayunman, nagalit umano ang lalaki at sinaktan ang biktima gamit ang isang flashlight, na nagresulta sa pagkakasugat nito.

Agad na inaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek matapos ang insidente. Narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isang 15-pulgadang butcher knife at isang flashlight na pinaniniwalaang ginamit sa pananakit.

Dinala ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa Sual Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kaukulang kaso laban sa suspek kaugnay ng alarm and scandal, grave threats, at physical injuries.