Nasawi sa pagkalunod ang isang lasing na barangay tanod matapos malaglag sa tulay ang minamanehong motorsiklo sa isang ilog sa Brgy. Sobol, sa bayan ng San Fabian.
Sa panayam kay PMaj. Ramil Mendioro ang hepe ng San Fabian PS, pauwi na sana ang biktima na si Crisencio Saculles, 62, residente rin ng nabanggit na barangay, mula sa inuman nang ito ay malaglag bunsod ng impluwensiya ng alak at kakitiran ng metal na tulay.
Bukod sa makitid na daan, wala rin umano itong harang o railings. Posible rin umanong dahilan ay ang pag-ulan na nagdulot ng madulas na daanan at ang kawalan ng poste ng ilaw sa naturang tulay. Naitakbo pa ito ng kaniyang mga kaanak sa Region 1 Medical Center (Annex), sa lungsod ng Dagupan ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Siniguro naman ng pulisya na dahil sa nangyari ay magkakaroon ng pagbabago o improvement ang nasambit na tulay.
Samantala, ito na ang ikalawang drowning incident na naitala sa nabanggit na bayan. Paalala naman ng kapulisan na huwag magmamaneho kung nakainom ng alak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.