DAGUPAN, CITY—Lango sa alak ang isang 52-anyos na magsasaka nang ito ay nalunod sa isang irigasyon sa Brgy. Flores, Umingan, Pangasinan.


Ayon kay PCMSgt. Sandy Bustamante, Chief Investigator ng Umingan Police Station, inilahad umano ng asawa ng biktimang si Gino Rigolo, residente ng Brgy. Buenavista, na dakong 6:00 ng gabi nitong Sabado ay nakita ang mister na naliligo sa naturang irrigation canal na nasa impluwensya na ng alak.


Nang gabi ring iyon ay napansin na ng kaniyang mga kaanak na hindi na umano nakauwi pa ang biktima sa kanilang bahay.

--Ads--


Nang magsagawa ng search and retrieval operation ang kaniyang mga kamag-anak at kapitbahay ay natagpuan na lamang umano nilang wala ng buhay ang kaniyang labi dakong 11:30 ng umaga, araw ng Linggo, kaya nang dumating ang mga otoridad ay nadatnan na nilang naiahon na ang bangkay nito.


Wala namang nakikitang foul play sa nangyaring insidente.


Hindi rin umano problema sa buhay ang nakikitang dahilan ng kapulisan kung bakit ito uminom ng alak.


Dagdag din nito na maging ang mga kaanak ng nasambit na magsasaka ay morally convinced din na walang ibang sanhi ng kaniyang pagkamatay lalo at wala rin naman umano itong nakaaway.


Samantala, ito naman ang kauna-unahang insidente ng pagkalunod na naitala sa bayan ng Umingan simula pa taong 2021.


Paalala na lamang ng pulisya ng kung iinom man ng nakalalasing na alak ay manatili na lamang sa loob ng bahay upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. (with reports from: Bombo Maegan Equila)