Dagupan City – Isinagawa ng Pangasinan State University (PSU) ang Laro-Laro PSU 2025 bilang year-end celebration ng buong pamantasan sa PSU Lingayen, na nilahukan ng mga empleyado mula sa iba’t ibang kampus ng unibersidad.
Pinangunahan naman ni Dr. Jeanilyn Villanueva, Vice President for Administration and Finance Management, ang pahayag ng layunin at pormal na pagbubukas ng Laro-Laro PSU 2025.
Tampok sa mga aktibidad ang mga tradisyunal na larong Pilipino gaya ng laro ng lahi, sack race, Maria Went to Town, kadang-kadang race, tug of war, at dodge ball na nagbigay-sigla at saya sa mga kalahok.
Ayon kay Dr. Elbert Galas, pangulo ng PSU, ang aktibidad ay nagsilbing culminative event ng mga gawain ng unibersidad sa buong taon at itinakda bilang araw ng pahinga at kasiyahan para sa teaching at non-teaching personnel mula sa siyam na kampus.
Bahagi ng programa ang ASEAN-inspired booths na nakaayon sa pagdiriwang ng ASEAN at sa bisyon ng unibersidad na maging isang leading industry-driven state university sa rehiyon ng ASEAN pagsapit ng 2030.
Samantala, sa hapon ay isasagawa rin ang ikatlong State of the University Address ng pangulo ng unibersidad kung saan ilalahad ang mahahalagang tagumpay at patuloy na pag-unlad ng PSU sa taong 2025.
Kasabay nito, inanunsyo ang mga benepisyo para sa mga empleyado tulad ng CNA cash incentive, Service Recognition Incentive (SRI), gratuity pay para sa job order at contract of service personnel, at pamamahagi ng grocery packs.
Itinuturing ang buong araw na selebrasyon bilang kauna-unahang ganitong uri ng aktibidad sa PSU na nakalaan lamang sa kasiyahan at samahan ng mga kawani, bilang bahagi ng hangarin ng pamantasan na magpatuloy sa inobasyon at umangkop sa nagbabagong panahon.










