Patuloy ngayong pinagiingat ng mga awtoridad sa bayan ng San Nicolas ang publiko hinggil sa naitalang landslide sa bahagi ng Villa Verde Road na dulot ng naging pananalasa ni Bagyong Florita.
Ayon kay Bernard Leo B. Serquiña ang siyang officer ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office sa naturang bayan na sa ngayon ay nagpapatuloy ang clearing operation roon sa pangunguna ng DPWH na siyang may hawak aniya sa maintenance ng naturang lugar.
Una rito ay nakatanggap aniya sila ng ulat sa pamamagitan ng isang post sa social media patungkol sa landslide.
Pinawi rin nito ang pangamba ng mga residente kung saan aniya ay maituturing lamang itong isang light landslide at wala rin aniya silang naitatalang anumang nasaktan kaugnay rito.
Bagaman may isa umanong punong bumagsak sa naturang kalsada ay passable na ito sa mga motorista gayunpaman nanawagan ito sa bawat indibidwal na maging maingat sa pagmamaneho lalo na’t dahil sa kasalukuyang panahon ay nanatiling zero visibility ang lugar.
Samantala sinabi naman nitong wala silang naidatos na anuman pang mga insidente kaugnay sa pananlasa ni Bagyong Florita.
Nagkaroon lamang aniya sila ng masusing monitoring sa ilang mga flood prone areas sa Barangay ng San Jose at sa pag-apaw ng isang irrigation canal sa Barangay Cacabugaoan.
Sa kasalukuyan ay wala ring mga naevacuate na mga residente at patuloy rin ang kanilang ibinibigay na abiso kahit pa unti-unti nang bumabalik sa normal ang kalagayan ng panahon.