Patuloy na binabaha ang ilang lugar sa Bani, Pangasinan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, kung saan 27 barangay na ang naiulat na apektado. Batay sa impormasyon ng MDRRMO Bani, 1,312 pamilya o 3,985 indibidwal ang apektado, habang nagpapatuloy ang preemptive evacuation sa ilang sitio. Umaabot naman sa dalawa hanggang tatlong talampakan ang tubig sa ilang kalsada, dahilan para ideklarang hindi madaanan ang ilang ruta.
Ayon kay Angelito Sagun Ventenilla, hepe ng MDRRMO Bani, karaniwang mga mabababang lugar malapit sa river system ang nakararanas ng pagbaha. Naitala rin ang landslide sa Barangay San Jose. Apat na residente ang kasalukuyang nasa evacuation center, habang ang iba ay lumikas patungo sa mga kaanak na nasa mas matataas na lugar. Wala pa namang naitalang casualty, bagama’t may ilang minor damage sa mga kabahayan.
Dagdag ni Ventenilla, mas mabagal ang pagbaba ng tubig kumpara sa karaniwan dahil sa patuloy na pag-ulan. Apektado rin ang mga magsasaka at mangingisda, habang patuloy ang pangangalap ng datos para matukoy ang kabuuang pinsala sa sektor. Patuloy din ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente, kabilang ang mga mangingisdang ilang araw nang hindi nakapalaot at mga nasa evacuation center, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office.
Batay sa impormasyon na nakalap ni Ventenilla, pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ang posibilidad ng deklarasyon ng state of calamity habang kinukumpleto ang assessment sa pinsala sa sakahan at pangisdaan. Nananatiling bukas ang mga evacuation center at nakaalerto ang mga responder sa posibleng pagtaas pa ng tubig. Pinapayuhan ang mga residente na agad lumikas kung patuloy na tumataas ang lebel ng tubig sa kanilang lugar.










