Dagupan City – Sunod-sunod na inilunsad ng Landbank of the Philippines ang mga programang pinansyal para sa estudyante, maliliit na negosyo at sektor ng agrikultura sa ginanap na serye ng aktibidad sa lalawigan.
Ayon kay May Arizabal, First VP of SME-Mid Market Lending Group Land Bank of the Philippines, at Eden Japitana, First VP Agriculture and Sustainable Development Group Land Bank of the Philippines, inilunsad ang Cashlight Campus sa Pangasinan State University kung saan hinihikayat ang mga estudyante na magbukas ng savings account kahit walang initial deposit.
Layunin din ng programa na palawakin ang kaalaman sa financial literacy at itulak ang paggamit ng digital transactions tulad ng QR code payments sa loob ng campus. Maaari ring gamitin ng mga estudyante ang kanilang account para sa pagtanggap ng allowance at iba pang transaksyon.
Sa hapon, nakatuon naman ang aktibidad sa Lifting MSME Lending Program na nagbibigay ng mas madaling access sa pautang para sa micro, small and medium enterprises.
May tatlong antas ng pautang: hanggang P500,000 para sa startup, hanggang P5 milyon para sa lumalagong negosyo, at hanggang P50 milyon para sa mas matatag na MSMEs. Sa kasalukuyan, nasa 110 MSMEs sa Pangasinan ang nakinabang sa programa, na bahagi ng mas malawak na rollout sa iba’t ibang rehiyon.
Bukas naman ilulunsad ang AgriSenso Plus Lending Program na nakalaan para sa maliliit na magsasaka, mangingisda, agrarian reform beneficiaries at mga bagong graduate ng kursong pang-agrikultura.
Kabilang sa mga kwalipikado ang mga magsasakang may limang ektarya pababa at rehistrado sa mga kaukulang ahensya.
Isinasagawa ang programa katuwang ang Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform at Philippine Crop Insurance Corporation, kung saan maaari ring makakuha ang mga benepisyaryo ng libreng crop insurance at iba pang suporta.
Pinadali rin ng bangko ang proseso ng aplikasyon sa pautang, kabilang ang one-page form para sa mga magsasaka at online application system para sa MSMEs na awtomatikong ipinapasa sa pinakamalapit na sangay batay sa address ng aplikante.
Samantala, ayon sa Department of Trade and Industry sa Pangasinan, mahigit 23,000 MSMEs ang kanilang natutulungan sa lalawigan, at higit 100 sa mga ito ang inaasahang makikinabang sa mga programang pinansyal ng bangko.









