Upang mapabuti ang kaligtasan sa daan at mabawasan ang mga aksidente sa Region 1, pinalawig ng Land Transportation Office (LTO) ang libreng Theoretical Driving Course (TDC) program.

Ito ay alinsunod sa Road Safety Action Plan (RSAP) ng gobyerno at naglalayong bigyan ng sapat na kaalaman ang lahat ng mga motorista para sa mas ligtas na pagmamaneho.

Batay sa ahensiya naging matagumpay ang TDC program dahil sa kapansin-pansing pagbaba ng bilang ng mga aksidente sa rehiyon kung saan napatunayang epektibo ang pagpapakalat ng kamalayan sa tamang pagmamaneho.

--Ads--

Kaugnay nito, bilang pagdiriwang ng Road Safety Month, isinagawa kamakailan ng LTO Rosales District Office dito sa Pangasinan ng dalawang araw na TDC dahil layunin nitong palakasin pa ang edukasyon sa kaligtasan sa daan at magkaroon ng pangmatagalang pagbabago sa gawi ng mga motorista.

Pinangunahan nina LTO Region 1 Regional Director Glorioso Daniel Z. Martinez at Assistant Regional Director Engr. Eric C. Suriben ang dalawang araw na kurso kung saan saklaw nito ang mahahalagang paksa tulad ng mga batas trapiko, kaligtasan sa daan, at responsableng pagmamaneho.

Dahil dito nagpapakita ng pangako ng LTO ang ginagawang pagpapalawak ng TDC Program upang bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang bawat drayber sa rehiyon paunti-unting maiwasan ang mga aksidente, mabawasan ang mga insidente at pagkamatay na may kaugnayan sa trapiko at maisulong ang kultura ng kaligtasan sa daan.

Maituturing na isa itong mahalagang hakbang ng gobyerno para mapabuti ang kaligtasan sa daan kaya patuloy pang pinapalawak ang programa, at inaasahang mas maraming motorista ang makikinabang at magiging mas ligtas ang Region 1 para sa lahat.