Posibleng ideklara ang province-wide state of calamity sa lalawigan ng Pangasinan matapos ang matinding pinsala na idinulot ni bagyong Emong.
Sa naging panayam ng Bombo Radto Dagupan kay Governor Ramon “MonMon” Guico III hinihintay pa nila ang assesment ng PDRRMO hinggil sa naging pinsala ng bagyo.
Batay naman sa kanilang inisyal na ulat, umaabot sa 267,980 pamilya ang naapektuhan ng kalamidad.
Ito ay matapos isinailalim sa typhoon wind signals No. 4, 3, at 2, ang lalawigan kagabi dahil sa naranasang malakas na hangin at walang patid na ulan.
Isa naman sa mga pangunahing problema ang pag-apaw ng mga ilog na nagdulot ng malawakang pagbaha, lalo na sa mga mabababang lugar.
Ayon kay Governor Guico, ito ay isa sa mga hindi na makontrol na epekto ng climate change, na may kasamang tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha sa maraming bayan.
Batay sa datos mula sa probinsya, pumalo na sa ₱212 milyon ang tinatayang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang mahigit ₱2 milyon ang nalugi sa sektor ng livestock.
Samantala, tinatayang aabot sa ₱419 milyon ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura sa buong lalawigan.
Sa ngayon ay patuloy naman ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga local government units (LGUs) para maiparating agad ang tulong sa mga apektadong residente.